Central Luzon, may pinakamaraming road crash injuries nitong Holy Week 2026: DOH

Mahigit 1,000 kaso ng road crash-related injuries sa kasagsagan ng Semana Santa ang naitala ng Department of Health (DOH), kasabay ng pagdami ng mga biyahero sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa datos ng DOH, umabot sa 1,091 ang road crash injuries mula March 29, Palm Sunday, hanggang April 2, Maundy Thursday, sa 161 ospital sa ilalim ng Code White Alert.
Mas mataas ito kumpara sa naitalang kaso noong nakaraang taon—bagaman iniuugnay din ang pagtaas sa mas maayos na reporting system ng mga ospital.
Pinakamaraming insidente ang naitala sa Central Luzon na may 196 cases, sinundan ng Davao Region (161) at Ilocos Region (158). Karamihan sa mga nasugatan ay kalalakihan, partikular ang mga nasa edad 20 hanggang 24.
Lumabas din sa ulat na karamihan sa mga sangkot ay mga motorcycle rider, habang ilan naman ay mga pedestrian. Kabilang sa karaniwang tinamong pinsala ang gasgas, sugat, pasa at bali.
Ipinakita rin ng datos na marami sa mga nasangkot sa aksidente ang walang suot na safety gear, habang may ilan ding may impluwensya ng alak nang mangyari ang insidente.
Ayon sa DOH, nagsisilbing paalala ang mga bilang na ito sa publiko na pairalin ang disiplina at pag-iingat sa kalsada, lalo na sa pag-uwi ng mga biyahero matapos ang Semana Santa upang maiwasan ang disgrasya. #
