CDC, IFEZ, nagkasundo para sa isang business interdependence
Nakipagtulungan ang Clark Development Corporation (CDC) sa Incheon Free Economic Zone (IFEZ) ng South Korea sa pagbuo ng isang strategic partnership na magpapalakas sa ugnayan ng negosyo, kasunod ng isinagawang benchmarking activity nitong April 11, 2025.
Layon ng nasabing kolaborasyon na paigtingin ang manufacturing sector, raw material sourcing, at BPO services. Bahagi rin nito ang planong paglilipat ng paggawa ng cosmetic and beauty products sa Clark Freeport Zone na posible umanong magdulot ng mas masiglang ekonomiya sa rehiyon.

Ayon kay CDC President at CEO Atty. Agnes VST Devanadera, parehong makikinabang ang Clark at Incheon sa hakbang na ito, lalo na sa pagpapabuti ng teknolohiya, supply chain efficiencies, at pag-akit sa mas maraming foreign direct investments.
Dagdag pa niya, mabibigyan din daw ng mas malawak na oportunidad ang mga lokal na negosyo na palawakin ang kanilang operasyon at magkaroon ng access sa new markets.
Samantala, ang naturang benchmarking activity ay isinagawa matapos ang Philippine Investment Forum na parte ng CREATE MORE Roadshow sa South Korea. Naging highlight sa forum ang strategic advantages ng Pilipinas pagdating sa preferential tariffs, free trade agreements (FTAs), at insentibo sa ilalim ng CREATE MORE program.
Naibahagi rin sa naturang aktibidad ang mahahalagang impormasyon ukol sa kalagayang pang-negosyo ng bansa, policy directions, at sectoral investment opportunities na naging pundasyon naman ng pag-uusap sa pagitan ng CDC at IFEZ. #