CBCP, hinimok ang mga botanteng Pilipino na bumoto nang tama
“Think muna then shade mo na!”
Ito ang mensaheng tampok sa 6-minute video na inilabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications (CBCP ECSC) nitong April 6 kaugnay ng pagboto sa 2025 National and Local Elections.
Binigyang-diin ni Most Rev. Junie Maralit sa naturang video ang ilan sa mga isyung panlipunan na kinakaharap ng bansa at kung gaano kahalaga at kabigat ang responsibilidad ng mga botante sa paghahalal ng mga bagong mamumuno sa bansa.
Ayon sa kanya, kailangang mamili ng mga pinunong may kakayahan sa pamamahala, may intergridad, at may disiplinang gagabay sa pagbabago ng bansa.
Dagdag pa, marapat din daw na kilatising mabuti ng mga botante ang mga tumatakbong lider. Dapat tunay raw ang kanilang layuning maglingkod at may konkreto silang plano para sa ikabubuti ng sambayanan.
Sa huli, hinimok ni Maralit ang mga Pilipino na bumoto hindi lamang gamit ang isipan kundi gamit din ang puso. Hinikayat din niya ang mga Pilipino na bumoto para sa kapakanan at kinabukasan ng buong bansa. #