Cash aid beneficiaries na gagamit ng ayuda sa sugal, matatanggal sa listahan ng DSWD

Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lahat ng benepisyaryo ng kanilang mga programa na huwag gamitin ang natatanggap na cash aid para sa pagsusugal.
Ayon kay Secretary Rex Gatchalian, nakalaan lamang ang pondong ibinibigay ng gobyerno upang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga saklaw nilang pamilya.
Kaugnay nito, inatasan na ni Gatchalian ang mga tagapagpatupad ng programa na paigtingin ang pagbabantay matapos ang distribusyon ng ayuda at agarang tugunan ang anumang reklamo hinggil sa maling paggamit nito.
Binigyang-diin din niyang posibleng matanggal sa listahan ng mga benepisyaryo at hindi na muling makinabang sa susunod na tulong ang sinumang mapatutunayang ginamit ang ayuda para sa sugal.
Matatandaang naglabas din kamakailan ng utos ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga e-wallet platforms na putulin ang koneksyon sa mga online gambling site alang-alang sa kapakanan ng publiko. #
