Carlos Yulo, hindi muna sasali sa 2025 SEA Games

Out na muna sa Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin ngayong Disyembre si 2-time Olympic gold medalist at Filipino gymnastics star Carlos Yulo.
Ito ay matapos ipatupad ng host country na Thailand ang bagong panuntunang naglilimita sa bilang ng medalya na maaaring mapanalunan ng isang atleta, maging ng apparatus na pwedeng gamitin.
Nagpasya rin daw si Yulo na huwag lumahok upang bigyang-daan ang iba pa niyang kasamahan na makamit ang mga parangal para sa bansa, ayon sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP).
Nakaapekto raw kasi ang bagong patakaran sa motibasyon at patas na laban para sa mga atleta, lalo na sa mga gaya ni Yulo na karaniwang sumasali sa maraming apparatus events.
Ito ang pangalawang pagkakataon na magpapatupad ang isang host nation ng ganitong uri ng limitasyon. Sa mga nakaraang SEA Games, kabilang ang 2019 at 2021 editions, nanguna si Yulo bilang may pinakamaraming napanalunang medalya.
Noong 2023 SEA Games sa Cambodia, nilimitahan din siya sa apat na medalya mula sa pitong posibleng mapanalunan sa men’s artistic gymnastics, pero nagwagi pa rin siya ng dalawang ginto at dalawang pilak.
Sa kabila ng hindi paglahok sa SEA Games this year, patuloy pa rin ang paghahanda ni Yulo para sa international competitions.
Sa kasalukuyan, nasa Jakarta, Indonesia siya upang lumaban sa World Artistic Gymnastics Championships na nagsimula na nitong Linggo, October 19. #
