Care facility sa Subic, ipinasara ng DSWD
Ipinasara ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang Subic Bay Children’s Home, Inc. o SBCHI, matapos itong patawan ng cease and desist order nitong August 27.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, batay sa ulat ng Field Office 3–Central Luzon, kabilang sa mga reklamo laban sa pasilidad ang physical at sexual abuse, unauthorized public solicitation, mismanagement of funds, at improper case management.
Natukoy rin na hindi sumusunod ang SBCHI sa mga umiiral na requirement para sa registration, license to operate, at accreditation standards.
Sa ilalim ng cease and desist order, tigil-operasyon ang pasilidad sa loob ng 30 days habang isinasagawa ang mas malalim na imbestigasyon. Kasama rito ang posibleng preventive suspension, pagtanggal ng mga staff na dawit sa umano’y pang-aabuso, at pagsasampa ng mga kaukulang kaso.

Kailangan ding itama ng pasilidad ang mga nakitang paglabag, kabilang ang kondisyon ng kanilang mga gusali. Obligado ring magsumite ng sworn undertaking ang mga tauhan ng SBCHI para tiyaking igagalang at poprotektahan ang karapatan ng mga bata alinsunod sa lokal at international na pamantayan, kumbensyon, at batas.
Tiniyak ng kalihim na magpapatupad ang kagawaran ng mas mahigpit na monitoring sa mga SWDA at nararapat na pagsusuri bago muling makapag-isyu ng certificate of registration, license to operate at accreditation.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng DSWD Region 3 ang mga sinagip na bata mula sa pasilidad, at iginiit ng kalihim na mananatiling prayoridad ang kanilang interes at kapakanan. #
