Cardinal David, binira ang depensa ng Pagcor sa online gambling

Legal at may regulasyon.
Ito ang naging tugon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) kaugnay sa naging paninindigan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) laban sa online gambling, ayon sa presidente nito na si Cardinal Pablo Virgilio David.
Ibinunyag ni David na tumugon ang Pagcor sa pastoral letter ng mga obispo nitong July 8, at iginiit na ang legalisasyon ng online gambling ay paraan para magkaroon ng kita ang gobyerno.
Ngunit hindi ito tinanggap ng kardinal, at inihalintulad niya pa ang katwiran ng ahensya sa mungkahing gawing legal na rin ang bawal na droga gaya ng shabu para lamang kumita ang pamahalaan. Aniya, hindi dapat isakripisyo ang moralidad kapalit ng kita.
Binatikos din ni David ang umano’y hindi epektibong safeguards ng Pagcor upang pigilan ang mga kabataan sa pag-aacces ng mga gambling site. Aniya, sa panahon ngayon ng mga digital native, imposibleng ganap na mapigilan ang online access lalo na ng mga menor de edad.
Sa huli, muling nanawagan ang CBCP sa gobyerno na tuluyang ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling at higpitan ang regulasyon sa mga digital payment systems na nagagamit sa sugal. #
