Cardiac Catheterization Laboratory, binuksan sa JBL Memorial Gen. Hospital
Isang bagong Catheterization Laboratory ang binuksan sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital sa Syudad ng San Fernando, Pampanga Huwebes, March 23.
Gagamitin ang naturang laboratoryo sa mga interventional cardiac procedure o panggagamot ng mga sakit sa puso at maging sa non-cardiac procedures gaya ng interventional radiology para sa mga may cancer.
Dumalo sa pagpapasinaya sa bagong pasilidad ng JBL Hospital sina Department of Health OIC Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire, Usec. Eric Tayag, Asec. Nenita Gorgolon, dating pangulo at Pampanga Second District Representative Gloria Macapagal-Arroyo at si Vice Governor Lilia Pineda.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Vergeire na mabilis na naitayo ang Catheterization Lab sa JBL sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ng kagawaran.
Asahan umano na patuloy na makikipagtulungan ang DOH sa mga lokal na pamahalaan upang higit na mapabuti ang healthcare facilities sa rehiyon.
Target umano ng Kagawaran ng Kalusugan na balang araw ay hindi na kailangan pang lumabas ng Central Luzon ang ating mga karehiyon para makapagpagamot.