Campus safety at mental health, tinututukan ng DepEd-III matapos ang shooting incident sa isang paaralan sa Nueva Ecija
Nagbigay ng psychological first aid ang Department of Education (DepEd) Region 3, sa tulong ng Bureau of Learning Support Services, para sa mga estudyante at guro ng Sta. Rosa Integrated School sa Sta. Rosa, Nueva Ecija matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan.

Kasabay nito, nakipag-ugnayan ang DepEd sa lokal na pamahalaan, pulisya, at mga community partner para magpatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan sa buong lalawigan.
Kabilang sa mga hakbang ang pagbubukas ng mental health hotline para sa mga Novo Ecijano at pagdaragdag ng mga security guard sa malalaking paaralan.

Nagpahayag naman ng suporta ang lokal na pulisya kaugnay nito, habang ang Provincial Government ay maglalaan ng tulong para sa patuloy na psychological at socio-emotional recovery ng mga apektado.
Matatandaang nitong August 7, binaril sa loob ng kanyang classroom ang isang Grade 10 student ng kanya umanong boyfriend, na kalaunan ay nagbaril din sa sarili. Pumanaw na ang suspek isang araw matapos ang insidente, habang kinumpirma na rin ng Sta. Rosa Police na binawian na rin ng buhay ang biktima nitong Martes, August 12. #
