Calendar of activities para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections, inilabas na ng Comelec
Hindi pa man natatapos ang 2025 National and Local Elections, naglabas na ng calendar of activities and periods of prohibited acts ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa December 1, 2025.
Ang Resolution No. 11132 na pinagtibay ng Komisyon nitong Lunes, April 21, ay hinalaw sa Comelec Resolution No. 10924 o ang “General Guidelines and other Related Rules and Regulations for the October 30, 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections and All Succeedings Thereafter” noong June 7, 2023.
Sa bagong resolusyon, ang filing of Certificate of Candidacy (COC) ay gaganapin mula October 1, 2025, hanggang October 7, 2025. Sa panahong ito, ipagbabawal na ang anumang uri ng pamimili ng boto, pati na rin ang premature campaigning hanggang November 19, 2025.
Mula naman sa October 17, 2025 hanggang December 1, 2025, mahigpit nang ipagbabawal ang disbursement at paglalabas ng anumang public funds.
Itinalaga naman ng Comelec ang October 27, 2025 hanggang December 31, 2025 bilang election period. Sa yugtong ito, bawal ang pagbibitbit o pagdadala ng anumang deadly weapons sa mga pampublikong lugar.
Ang campaign period ay itinakda mula November 20, 2025, hanggang November 29, 2025. Sa panahong ito, ipinagbabawal ang mga unlawful election propaganda at ang pagpapaskil ng mga iligal na campaign materials.
Sa November 30, 2025, o gabi bago ang eleksyon, at December 1, 2025, na araw mismo ng halalan, bawal na ang anumang uri ng pangangampanya. #