Bulacan at Balanga, pasok sa Top 10 Safest Cities in PH ng World Travel Index

Hinirang ang lalawigan ng Bulacan bilang ikatlo sa pinakaligtas na destinasyon sa Pilipinas para sa mga biyahero, batay sa pinakahuling World Travel Index (WTI) 2025 Rankings.
Nakakuha ito ng Safety Index Score na 76.42, bunga ng mababang antas ng krimen na naitatala rito.
Pumwesto naman sa 4th spot ang Balanga City sa lalawigan ng Bataan na may Safety Index na 76.15. Kinilala rin ito bilang isa sa mga lungsod sa Luzon na ligtas tirahan at pasyalan, ayon sa pagsusuri ng WTI.
Samantala, nanguna naman sa listahan ang Dumaguete City sa Negros Oriental, na tinaguriang “City of Gentle People”, matapos makakuha ng pinakamataas na score na 81.36, habang pumangalawa ang Davao City sa Davao Del Sur na may score na 80.73.
Pasok din sa Top 10 ang Lucena City, Naga City, Baguio City, Puerto Princesa, Legazpi City, at Makati City.
Ayon sa WTI, ang kabuuang safety score ay batay sa limang subcategory: day and night safety, mababang antas ng pagnanakaw, karahasan, droga, at scam-related crimes.
Hinango ang datos mula sa Numbeo Crime Index at isinailalim sa AI-assisted analysis gamit ang mahigit 50 million travel-related reports mula sa mga site gaya ng Reddit at Quora. #
