Bro. Armin Luistro, bagong kasapi ng dicastery sa Vatican

Itinalaga ni Pope Leo XIV si Brother Armin Luistro bilang isa sa 19 new members ng Dicastery for Institutes of Consecrated Life and Societies of Apostolic Life ng Vatican.
Batay ito sa report ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Miyerkules, June 25.
Ang dicastery ay may tungkuling isulong at pangasiwaan ang pagsasabuhay ng evangelical counsels tulad ng kahirapan, kalinisan at pagsunod batay sa apostolic constitution ng Roman Curia.
Bahagi rin ng nasabing tanggapan ang pag-aapruba sa mga kaso ng religious individual na nagnanais lisanin ang kanilang bokasyon, maging ang mga ipinatatanggal ng kanilang community.
Kasalukuyang nagsisilbi si Luistro bilang superior general ng De La Salle Brothers, o mas kilala bilang Brothers of the Christian Schools sa Italy. Siya ang kauna-unahang Asyano na nahalal sa posisyong ito noong 2022.
Bago nito, naging Pangulo rin si Luistro ng De La Salle Philippines at nagsilbi rin bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng administrasyon ni yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. #
