Bong Revilla, idinawit ni Engr. Alcantara sa katiwalian sa flood control

Binanggit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara ang pangalan ni dating Senator Bong Revilla sa pagdinig ng Senado tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects ngayong Martes, September 23.
Ayon kay Alcantara, sinabi ni Usec. Bernardo na ang ₱300 million General Appropriations Act (GAA) insertions noong 2024 ay para umano kay Revilla.
“Ayon kay Usec. Bernardo ang GAA insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng ₱300 million, sabi niya po sa akin para kay Senator Bong Revilla na noon ay kumandidato bilang senador sa 2025,” saad ni Alcantara.
Nilinaw naman ni Alcantara na hindi niya personal na nakausap si Revilla at base lamang ang impormasyon sa sinabi ni Usec. Bernardo.
“‘Yun po ay ayon kay Usec. Bernardo. Never ko pong nakausap si Senator Bong Revilla, never po,” sabi ni Alcantara sa kanyang sworn statement.
Samantala, pinangalanan din ni Alcantara sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Rep. Zaldy Co, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy bilang sangkot sa flood control kickback scheme.
Sumang-ayon naman si dating DPWH Assistant District Engineer Brice Hernandez sa sworn statement ni Alcantara sa Senate Blue Ribbon Committee. #
