Bilang ng mga krimen sa Central Luzon, bumaba: PRO-III
Bumaba nang 254 o 19.37% ang naitalang insidente ng krimen sa Central Luzon nitong nagdaang Marso, ayon sa ulat ng Police Regional Office 3 (PRO3) nitong Lunes, March 31.
Mula March 2 hanggang March 29, 2025, nakapagtala ang PRO3 ng 1,057 na kaso ng krimen sa rehiyon, mas mababa kumpara sa 1,311 na kasong naitala mula February 2 hanggang March 1, 2025.
Malaki rin ang ibinaba ng parehong index at non-index crimes. Ang mga index crime, tulad ng pagpatay, pananakit, at pagnanakaw, ay bumaba nang 38.01%, mula 271 na kaso patungong 168. Samantala, ang mga non-index crime naman, kabilang ang paglabag sa special laws, ay bumaba nang 14.52%, mula sa 1,040 na kaso patungong 889.
Ayon kay PNP Spokesperson at PRO3 Director PBGen. Jean Fajardo, ang pagbaba ng krimen ay resulta ng pinaigting na seguridad at epektibong pagpapatrolya ng pulisya. Malaki rin umano ang naitulong ng mahigpit na pagpapatupad ng gun ban, mga checkpoint, at mas pinalawak na intelligence operations sa pagsugpo ng kriminalidad.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagpapatupad ng mga operasyong ito, lalo na para sa nalalapit na halalan sa May 12, upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon.
Patuloy naman na hinihikayat ng PRO3 ang publiko na makipagtulungan sa mga otoridad sa pamamagitan ng pagre-report ng mga kahina-hinalang gawain upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat. #