BI Commissioner Viado, tinawag na “black propaganda” ang mga akusasyon laban sa kanya
Mariing itinanggi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang mga alegasyong nakasulat sa isang “white paper” na diumano’y ipinadala sa Office of the President.

Sa kanyang statement na inilabas nitong Lunes, June 9, iginiit ni Viado na pawang kasinungalingan ang nilalaman ng dokumento at bahagi ito ng isang organisadong kampanya ng paninira laban sa kanya at sa ahensya. Aniya, handa ang BI na makipagtulungan sa anumang imbestigasyon mula sa pamahalaan at sa Senado.
Umani ng atensyon ang mga paratang na nagmula umano sa ilang empleyado ng BI kaugnay sa isyu ng katiwalian sa loob ng ahensya. Kabilang dito ang umano’y misconduct sa paghawak ng mga kaso na kinasasangkutan ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at sa deportation ng mga illegal foreign worker.
Samantala, ibinunyag naman ni Viado na posibleng nasa likod ng paninira laban sa kanya ang ilan sa mga dating opisyal at empleyado ng BI na naapektuhan ng mga repormang ipinatutupad sa ahensya.
Kabilang umano rito ang isang senior official na sinasabing nagtangkang impluwensyahan ang kanyang opisina na palayain ang isang Chinese national na konektado raw sa isang kilalang personalidad ng nakaraang administrasyon.
Sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ni Viado na hindi siya matitinag. Tiniyak din niya na ipagpapatuloy niya ang paglilinis sa ahensya at sa tamang panahon ay ilalantad ang mga nasa likod ng aniya’y black propaganda laban sa kanya. #
