Bersamin, Remulla, at DAR Sec., hahalili sa pamumuno tuwing nasa ibang bansa si PBBM
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Isang executive committee ang binuo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. nitong Huwebes, April 25, upang magsilbing caretaker ng gobyerno sa tuwing nasa official abroad visits ang Pangulo.
Kaugnay ito ng pagpunta ni PBBM at First Lady Louise Araneta-Marcos sa Vatican upang dumalo sa libing ni Pope Francis.



Batay sa Special Order No. 424 na kanyang nilagdaan, itinalaga ni Marcos Jr. sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III bilang mga miyembro ng executive committee na mangangasiwa sa mga operasyon ng ehekutibo habang siya ay wala sa bansa.
Batay sa kautusan, ang mga desisyon at hakbang ng naturang komite ay kikilalaning opisyal at may bisa bilang presidential acts, maliban na lamang kung ito ay hindi sang-ayunan ng Pangulo. #