Bentahan ng lote sa Magalang na walang permit to sell, binusisi ng Department of Human Settlements and Urban Development
Inisa-isa ng monitoring team ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD-III) ang mga subdivision developer sa bayan ng Magalang, Pampanga na nagbebenta ng lote nang walang permit to sell.
Ito’y matapos magsagawa ng monitoring ang DHSUD, sa pangunguna ni Engr. Camille Antigo, kasunod ng unang public hearing na ipinatawag ni Municipal Councilor Atty. Koko Gonzales.
Sa pagdinig, humarap ang mga kinatawan ng DHSUD sa barangay officials, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at mga department head ng Pamahalaang Bayan ng Magalang.
Layunin nitong beripikahin ang legal na katayuan ng mga subdivision project sa bayan at tukuyin ang mga developer na nagbebenta ng lote o bahay nang walang pahintulot mula sa DHSUD.
Sa pulong, ipinaliwanag ni Engr. Antigo ang mandato ng ahensya at ang mga kinakailangang permit bago payagang magbenta ng subdivision projects, kasabay ng babala sa mga patuloy na lumalabag sa mga umiiral na regulasyon.
Inaasahan namang kikilos ang lokal na pamahalaan at DHSUD Region 3 laban sa mga naturang proyekto na mapapatunayang ilegal ang operasyon, kasunod ng patuloy na imbestigasyon sa mga subdivision development sa Magalang, Pampanga.
Bukas ang CLTV36 News para sa panig ng mga nabanggit na real estate developer. #
