Bentahan ng ₱20 na bigas, sisimulan na: Dept. of Agriculture
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Isusulong na raw ng gobyerno ang pagbebenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo, ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel nitong Miyerkules, April 24.
Aniya, sisimulan na ang pagbebenta ng murang bigas sa Visayas kung saan mas marami ang nangangailangan.
Tiniyak naman ng kalihim na mapalawig ang proyekto sa buong bansa pagkatapos ng initial implementation.
“Of course, ang eventual intention nitong programa na ito, once we sort out all the issues logistically, para makita talaga how to operate it, launch it and manage it. Nationwide ito, eventually,” ani Laurel.
Inilahad din ng kalihim na susubukan nila ang pagbebenta ng 10 kilong bigas kada linggo o 40 kilo kada buwan para sa bawat pamilya sa halagang ₱20/kg.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng isang closed-door meeting ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Cebu City kasama ang 12 gobernador mula sa Visayas.
Matatandaan na ipinangako ni PBBM noong kampanya ng 2022 elections na bababa ang presyo ng bigas sa ₱20 bawat kilo. #