Bayanihan, panawagan ni PBBM sa gitna ng mataas na presyo ng petrolyo
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng bayanihan habang nagpapatupad ang gobyerno ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East.
“Ngayon ang panahon para maipakita natin sa buong mundo ang katangian ng bayanihan na nasa puso ng bawat Pilipino,” ani Marcos sa kanyang latest vlog na ‘BBM VLOG 279: Krisis sa Langis.’
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang pagtutulungan hindi lamang sa pamamahagi ng tulong kundi pati na rin sa pagbibigay ng tamang impormasyon at pag-iwas sa pagkalat ng fake news.
Kinilala rin niya ang hirap ng publiko, lalo na sa transport sector, at tiniyak na may ipinatutupad na cash assistance at subsidy programs ang gobyerno para sa mga apektado.
Iginiit din ng Pangulo na hindi ito ang tamang panahon para itaas ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Isang araw bago ang kanyang pahayag, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang fare hike sa PUVs, ngunit ipinag-utos ng Pangulo ang pansamantalang suspensyon nito noong Miyerkules, March 18.
Ayon sa Pangulo, hindi iiwanan ng gobyerno ang mga nagpoprotesta laban sa pagtaas ng presyo ng pamasahe at langis.
“Naiintindihan natin ang sigaw ng mga nagpoprotesta na kababayan natin… pero gusto kong ulitin sa inyo, hindi kayo maiiwanan; hindi kayo pababayaan ng pamahalaan,” pagsisiguro ng Pangulo. #
