Bawal mag-leave: NCRPO, full alert sa 3-day rally ng INC

May kabuuang 16,664 na pulis mula National Capital Region Police Office (NCRPO) ang itatalaga sa iba’t ibang lugar sa Maynila at Quezon City para sa gaganaping three-day rally ng Iglesia ni Cristo at iba pang grupo mula November 16-18, 2025.
As of November 14, naka-full alert status na ang PNP-NCRPO bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga dadalo sa isasagawang aktibidad.
Ayon sa PNP, magsisimula ang deployment ng mga pulis sa Sabado, November 15, habang ilalagay sa heightened security mode ang buong Metro Manila sa mismong araw ng aktibidad. Hindi papayagang mag-leave ang mga pulis upang masiguro ang sapat na pwersa sa kalsada.
Ipakakalat ang hanay ng kapulisan sa People Power Monument, EDSA Shrine, Quirino Grandstand, Liwasang Bonifacio, ICI Grounds, the Senate of the Philippines, House of Representatives, US Embassy, Ayala Bridge, at iba pang pangunahing lugar sa Maynila at Quezon City.
Aabot naman umano sa 300,000 katao kada araw ang inaasahang dadalo sa EDSA, at nasa 100,000 naman sa Maynila.
Bukod sa crowd areas, tututukan din ng pulisya ang mga pangunahing kalsada, government facilities, at ruta papunta sa mga venue.
May dagdag na pwersa rin para sa intelligence monitoring, logistics, emergency response, at seaborne patrols.
Ayon kay PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., handa na ang pulisya sa gaganaping malaking pagtitipon. Target umano nila na mapanatiling maayos at safe ang lahat sa buong tatlong araw na rally.
“We want everyone to know that the PNP is on top of the situation. We have enough personnel, resources, and coordination with partner agencies to ensure safety. We call on participants to cooperate, follow security reminders, and help keep the activities peaceful,” ani Nartatez. #
