Bawal ang pulitika sa graduation rites: DepEd
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng graduation at moving-up ceremonies para sa partisan political activities sa mga pampublikong paaralan.
Bahagi ito ng kanilang patakaran upang mapanatili ang neutrality, lalo na ngayong nalalapit na ang midterm elections sa May 12.
Batay sa DepEd Memorandum No. 27, s. 2025, na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara nitong March 21, bawal ang pangangampanya o electioneering ng mga guro, school official, o non-teaching personnel sa anumang pormal na aktibidad ng paaralan.
Sinumang lalabag ay maaaring humarap sa kaukulang parusa.
Kaugnay nito, muling iginiit ng ahensya na kailangang iwasan ang magarbong selebrasyon at labis na paggastos sa graduation rites.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang paniningil ng anumang bayad sa mga mag-aaral, dahil ang mga gastusin para sa graduation at moving-up rites ay dapat manggaling lamang sa school’s Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).
Samantala, itinakda ng DepEd ang end-of-school-year rites sa April 14-15 para sa mga magtatapos sa Kindergarten, Grade 6, Grade 10, Grade 12, at Alternative Learning System (ALS). #