Batas sa pagtapyas, pagsuspinde ng fuel excise tax, aprubado na ni PBBM
Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12316 na nagbibigay ng kapangyarihan sa ehekutibo na pansamantalang magbawas o magsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ang bagong batas, na pinagsamang bersyon ng Senate Bill No. 1823 at House Bill No. 8220, ay agad na magkakabisa matapos mailathala.
Sa ilalim ng RA 12316, may authority ang Pangulo na ayusin ang excise tax sa langis kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang average price ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan.
Isasagawa ito sa koordinasyon ng Department of Energy (DOE) at batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Saklaw ng batas ang ganap na suspensyon o bahagyang pagbabawas ng buwis sa piling petroleum products, at mananatiling epektibo ang kapangyarihang ito hanggang December 31, 2028.
Layunin nitong tugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng tensyon sa Middle East. Mapapagaan din nito ang gastusin ng mamamayan, lalo na sa transport sector at mga pamilyang apektado ng sunod-sunod na oil price hike.
Bilang bahagi ng transparency measures, inaatasan ang mga oil company na magsumite ng monthly report sa kanilang cost components sa DOE, na siya namang ipapasa sa Kongreso at DBCC. Inatasan din ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs na magbigay ng monthly data para sa tamang pagkukuwenta ng value-added tax.
Nakasaaad din sa batas na kinakailangang magsumite ang Pangulo ng ulat sa Kongreso na naglalaman ng batayan ng desisyon sa pagbabawas o pagsuspinde ng buwis.
Kailangan din niyang iulat ang inaasahang mawawalang kita ng gobyerno, benepisyong panlipunan, at posibleng epekto nito sa inflation, at kabuuang ekonomiya.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na pag-aaralan pa ng pamahalaan kung kailan ang pinakaangkop na panahon para gamitin ang naturang kapangyarihan, alinsunod sa mga kondisyong nakasaad sa batas.
Bukod sa pagsirit ng presyo ng krudo sa world market, ginawa rin ang hakbang kasunod ng deklarasyon ng national energy emergency. Inaasahang magsisilbi ang bagong batas bilang mahalagang mekanismo upang mapatatag ang presyo at mabawasan ang epekto sa mga negosyo at mamimili. #
