Batas na magpapangalan sa DHVSU bilang Pampanga State University, pirmado na
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Opisyal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang batas na magpapangalan sa Don Honorio Ventura State University bilang Pampanga State University.
Layon ng Republic Act No. 12148 na palakasin ang pagkakakilanlan at kapasidad ng pampublikong edukasyon sa lalawigan, habang pinapanatili ang higit 160 taong pamana ng academic excellence mula pa noong itinatag ito noong 1861 sa Bacolor, Pampanga.
Sinasaklaw ng pamantasan ang mga campus sa Mexico, Porac, Sto. Tomas, Lubao, Candaba, Apalit, City of San Fernando, at ang bagong Floridablanca campus, pati na rin ang mga susunod pang maaaring maitatag.
Kasabay nito, nilagdaan din ang Republic Act No. 12147, na ginagawang regular campus ang City of San Fernando campus ng PSU at binibigyan ito ng fiscal autonomy. Sa ganitong katayuan, maaari na nitong pamahalaan ang sarili nitong pondo, gumawa ng strategic investments, at magpalawak ng mga programang akademiko batay sa pangangailangan ng mga mag-aaral at ng komunidad. #