Bataan Nuclear Power Plant, balak gawing data center at cyber hub

Ilang dekada matapos na maipasara, pinaplano ngayon ng ilang mga opisyal mula sa Bataan na gawin na lamang isang data center at cyber town ang pamosong Bataan Nuclear Power Plant sa bayan ng Morong.
Sa isang pulong na isinagawa noong February 10, tinalakay ang mga posibleng pakinabang ng nasabing proyekto, lalo na pagdating sa pagpapalakas at pagpapaigting ng digital infrastructure ng bansa gamit ang iba’t ibang cloud services.

Dumalo sa naturang pulong sina Bataan 2nd District Representative Abet Garcia, kasama sina Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary David Almirol Jr. at Architect Henry Mayuga, maging ang mga opisyales at kinatawan ng Bataan Public-Private Partnership and Investment Center (BPPPIC) at Asian Development Bank (ADB).
Ayon kay Garcia, magiging backbone ng digital infrastructure, hindi lamang sa naturang probinsya kundi maging sa buong bansa, ang itatayong makabago at high-capacity na data center.
Dito iiimbak, ipoproseso, at pangangalagaan ang iba’t ibang digital information lalo na’t malaki ang papel ng teknolohiya sa kaunlaran.
Samantala, inilahad naman ni Architect Mayuga ang master plan ng Morong Cyber Town.
Ang Bataan Nuclear Power Plant ay itinayo noong 1976 sa panahon ng diktaduryang Marcos Sr.. Ito ay bilang tugon umano sa nararanasang energy crisis ng Pilipinas noong 1970s. Layunin nitong mapababa ang pagdepende ng bansa sa imported oil at magkaroon ng alternatibong mapagkukunan ng kuryente para sa Luzon grid.
Sa bisa ng Executive Order 55 noong November 1986, opisyal itong ipinasara ni dating Pangulong Cory Aquino dahil sa potensyal na panganib nito sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Ganunpaman, ang planong gawin itong data center at cyber town ay nakabatay sa hangarin ng Bataan na maisulong ang teknolohiya na magpoposisyon sa lalawigan bilang nangungunang hub para sa digital innovation at investment. #