Barangay fumigation drive, patuloy na ipinatutupad ng Angeles City
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Mas pinaigting ng Pamahalaang Lungsod ng Angeles ang fumigation drive sa iba’t ibang barangay bilang tugon sa patuloy na banta ng dengue sa bayan.

Sa direktiba ni Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr., isinagawa ng Angeles City Barangay Outreach ang fumigation sa Barangay Sto. Cristo at Barangay Lourdes Northwest nitong Biyernes, March 28, upang mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng sakit.
Ayon sa City Health Office, patuloy nilang isinasagawa ang 4S strategy bilang pangunahing hakbang kontra-dengue. Kabilang dito ang “search and destroy” upang alisin ang pinamumugaran ng lamok, “self-protection” measures tulad ng paggamit ng insect repellent, “seek early consultation” para sa agarang pagpapakonsulta sa doktor, at “say yes to fogging” sa mga lugar na may mataas na kaso ng sakit.

Kaugnay nito, tiniyak ng City Government na patuloy nilang imo-monitor ang mga kaso ng dengue sa lungsod. Pinapayuhan ang mga residente na sumunod sa mga ipinatutupad na hakbang upang maprotektahan ang kanilang sarili at pamilya laban sa sakit.
Patuloy rin ang mas pinaigting na fumigation drive sa iba pang kalapit-barangay upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng mga residente. #