Bagong Municipal Seal, isinusulong ng Arayat LGU
Sa pagpasok ng Bagong Taon, target ng Pamahalaang Bayan ng Arayat ang bagong pagkakakilanlan ngayong 2026.
Ayon kay Mayor Jeff Luriz, nasa ikalawang pagbasa na sa Sangguniang Bayan ang panukalang ordinansa para sa bagong opisyal na municipal seal ng bayan. Collective ang naging proseso ng pagpili ng disenyo matapos isagawa ang isang competition na nilahukan ng mga Arayateño.
Ibinahagi ng alkalde na ang napiling municipal seal ay idinisenyo upang maging mas komprehensibo at makabuluhan bilang simbolo ng bayan. Kapag tuluyang naaprubahan, ito ay ieendorso at ipapaapruba sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang tamang ahensya para sa beripikasyon ng mga opisyal na sagisag ng lokal na pamahalaan.
Makikita sa bagong seal ang Mt. Arayat, Pampanga River, at ang malawak na palayan—mga simbolong kumakatawan sa likas na yaman at pamumuhay ng mga Arayateño.
Kasabay nito, isinasaayos din ng LGU ang official hymn ng Arayat bilang bahagi ng pagpapalakas ng identidad at kamalayan ng mamamayan sa kultura at kasaysayan ng bayan. #
