Bagong monitoring team ng Porac, magsisilbing bantay para sa maayos na environmental governance

Magkakaroon umano ng pulong ngayong linggo sa pagitan ng Porac LGU at Prime Waste Solutions, ayon kay Mayor Jing Capil nitong Lunes, January 12. Ito ay upang talakayin ang disenyo at operasyon ng pasilidad nito sa Barangay Planas, kasunod ng trahedyang naganap sa isang landfill sa Cebu.
Ani Capil, layon ng hakbang na ito na matiyak na hindi mangyayari sa Porac ang naturang insidente. Gayundin ang siguruhing handa ang lahat ng ahensya ng lokal na pamahalaan sa usapin ng disaster preparedness.
Dagdag pa ng alkalde, bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng Porac LGU upang palakasin ang environmental governance at public safety, lalo na’t patuloy ang pag-usbong ng bayan bilang sentro ng ekonomiya at industriya.
Nagpaabot naman si Capil ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi sa Binaliw Landfill tragedy, at iginiit na ang insidente ay malinaw na paalala ng kahalagahan ng maagap na environmental governance at mahigpit na pagsunod sa mga regulasyon.
Samantala, binigyang-diin ni Capil na noong December 22, 2025, nagsagawa ng isang preventive meeting ang lokal na pamahalaan ng Porac kasama ang iba’t ibang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 3, Office of the Governor, Office of the Vice Mayor ng Porac, at ang Municipal Administrator.
Matapos ang pulong, nabuo ang Bayung Porac Multi-Partite Monitoring Team (MMT) na magsisilbing bantay upang masiguro ang maayos na environmental governance.
Upang gawing pormal ang MMT, inilabas ang Executive Order No. 059 na nag-amyenda sa Executive Order No. 48. Saklaw ng mandato ang tiyaking nasusunod ng mga industriya at establisimyento ang kanilang Environmental Compliance Certificates (ECC) at ang mga umiiral na environmental law.
Bukod dito, sakop din ng grupo ang pagsasagawa ng quarterly inspections at environmental monitoring katuwang ang Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR, gayundin ang pag-verify ng self-monitoring reports ng mga kumpanya.
Inaatasan din ang grupo na magsumite ng monitoring at compliance reports sa municipal government at sa DENR-EMB, magrekomenda ng preventive at corrective actions, magbukas ng partisipasyon ng mga stakeholder, at maglatag ng malinaw na mekanismo sa pagtugon sa reklamo at environmental emergencies.
Sa huli, iginiit ni Mayor Capil na patunay ang mga hakbang na ito s matibay na paninindigan ng Porac LGU na pangalagaan ang kalikasan at kaligtasan ng mga Poraqueño. #
