Bagong covered court sa Anao, Tarlac, bukas na para sa mga aktibidad

May maayos at ligtas na lugar na para sa mga pagtitipon at iba’t ibang recreational and cultural activities ang mga residente ng Brgy. San Francisco West sa Anao, Tarlac.
Natapos na kasi ang pagtatayo ng ₱6.86-million multipurpose covered court sa Barangay San Francisco West, Anao, Tarlac, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) – Tarlac 1st District Engineering Office.
Layon ng itinayong pasilidad na magsilbing sentro ng mga aktibidad ng naturang barangay — mula sports at cultural events hanggang sa mga pulong at serbisyo pampubliko.
Ayon kay District Engineer Neil Farala, ang 518.40-square-meter na istruktura ay may kasamang stage, mga dressing room, at comfort rooms.
Isa rin umano itong accessible facility alinsunod sa Batas Pambansa bilang 344, kaya’t may nakalaang ramp para sa mga Person with Disabilities (PWDs).
Bahagi ang proyekto ng 2025 national budget na sumasalamin sa layunin ng pamahalaan na paunlarin ang mga lokal na imprastraktura sa mga bayan gaya ng Anao, ayon kay Engineer Farala. #
