Bagong barkong pandigma ng Philippine Navy, dumating na sa Subic

Dumating na sa Naval Operating Base sa Subic, Zambales ang pinakabagong guided-missile frigate ng Philippine Navy na BRP Diego Silang, na inaasahang magpapatibay sa maritime defense ng Pilipinas.
Ang BRP Diego Silang ang pangalawang modern frigates ng Navy kahanay ng BRP Miguel Malvar. Dumating ito sa bansa noong September 8.
Bago pormal na isabak sa operasyon, sasailalim muna ito sa mga final preparation, acceptance procedures, at commissioning.

Taglay ng bagong frigate ang advanced sensors, surveillance systems, at weapons platform na kayang humarap sa surface, sub-surface, at air threats, dahilan para mas maging handa ang Navy sa multi-combat operations.
May bigat itong 3,200 gross tons, at may haba na 118.4 meters, lawak na 14.9 meters, at kayang maglayag ng 4,500 nautical miles sa bilis na hanggang 25 knots.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr., simbolo ng determinasyon ng bansa ang bagong frigate upang ipagtanggol ang karapatan nito sa karagatan at tiyakin ang seguridad ng mga Pilipino. #
