Bagong air asset ng PAF, palalakasin ang kakayahan nilang magserbisyo
Pormal nang tinanggap ng Philippine Air Force (PAF) ang kanilang bagong sasakyang panghimpapawid na Cessna C-208B Caravan EX sa turnover ceremony na ginanap sa Villamor Air Base, Pasay City nitong Huwebes, April 24.
Pinangunahan ni PAF Chief Lt. Gen. Arthur Cordura ang nasabing seremonya bilang guest of honor.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, ito ang kauna-unahan at bagong air asset ng PAF para sa taong 2025. Inaasahang palalakasin nito ang kakayahan ng Air Force sa mga misyon gaya ng troop and cargo transport, medical evacuation, intelligence gathering, surveillance and reconnaissance, pati na rin ang mga humanitarian operations.

Dumating ang eroplano sa Clark Air Base sa Mabalacat City, Pampanga nitong April 16, 2025 at sumailalim sa masusing technical inspection.
Pinondohan ito sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act at binili mula sa Servo Aerotrade Services, Inc. Ang aircraft ay gawa ng Textron Aviation sa Wichita, Kansas, USA.
Ang pagbili ng eroplano ay bahagi ng platform acquisition program ng Air Force na layong i-modernisa at palakasin ang kanilang fleet upang makasabay sa mga bagong operational demand.
Matatandaan noong February 16, 2024, tumanggap din ang PAF ng isang C-130H tactical transport aircraft sa ilalim naman ng United States Excess Defense Articles (EDA) Program. #