Award-winning current affairs program na ‘So to Speak’, muling mapapanood sa telebisyon
Muling mapapanood ang programang ‘So to Speak’ sa CLTV36 bilang patotoo sa hangarin ng istasyon na magbigay ng malawak na kaalaman at pagsusuri sa mga isyung panlipunan sa loob at labas ng Central Luzon.
Sa mahigit apat na dekadang pakikilahok sa mga usaping pambayan at komunidad at 17 taong karanasan sa pagpapadaloy ng talakayan sa telebisyon, tutulungan tayong magsuri ng beterano at multi-awarded broadcast journalist na si Sonia P. Soto sa mga napapanahong isyung panlipunan.
Taong 2008 nang pinarangalan bilang Best Public Affairs Talk Show Host ng KBP Golden Dove Awards si Soto at ng UP Los Baños Gandingan Awards naman noong 2020.
Humakot na rin ng mga parangal sa mga nasabing award-giving bodies sa loob ng 17 taong kasaysayan ng CLTV36 ang programang So to Speak.
Samantala, isasabay ang inaabangang pagbabalik ng programa sa ika-41 anibersaryo ng pagpaslang kay dating Senador Ninoy Aquino, Jr. sa darating na Huwebes, August 21.
Makakasama ni Soto sa pag-arangkada ng ‘So to Speak’ ang mga prominenteng tagapagtanggol ng demokrasya sa kasaysayan ng Pilipinas na sina Free Legal Assistance Group (FLAG) Chairperson Atty. Chel Diokno, former Congressman Hernani Braganza, at human rights defender Sr. Mary John Mananzan.