Aviation competitions, drone show at hoverbike demo, tampok sa 26th PH Int’l Hot Air Balloon Fiesta

Gagawing sentro ng aviation competitions, teknolohiya, at youth development ang pinakaaabangang 26th Philippine International Hot Air Balloon Fiesta sa New Clark City sa February 13-15, 2026.
Ayon sa mga organizer, hindi na lamang aliwan ang layunin ng pista dahil magsisilbi na rin itong training and development platform para sa mga Pilipinong piloto, drone racers, at iba pang aviation enthusiasts na nais makipagsabayan sa international competitions.
Kabilang sa mga pangunahing tampok ngayong taon ang 22 special-shaped hot air balloons, isang 550-drone aerial display, at ang kauna-unahang public demonstration ng isang hoverbike, isang imbensyong gawa ng Pilipino na itinuturing na milestone sa local aviation innovation.
Magkakaroon din ng mga paligsahan tulad ng paragliding accuracy, paramotor beach ball, FPV drone racing, at drone soccer, na layong makabuo ng pambansang koponan na maaaring maging representative ng bansa sa international tournaments.
Bukod sa mga paligsahan, nag-aalok din ang fiesta ng mga family-oriented activities gaya ng kite flying, RC airplane games, ultralight aircraft displays, motorsports exhibitions, at iba’t ibang aktibidad para sa mga bata.
Isinusulong din ng programa ang edukasyon at youth development sa pamamagitan ng aviation career seminars. Dito, ibinabahagi ng mga propesyonal ang kanilang karanasan upang mahikayat ang kabataan na tahakin ang landas sa aviation industry.
Ipinahayag naman ng Bases Conversion and Development Authority at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac ang buong suporta sa aktibidad, kabilang ang libreng shuttle services at transport assistance, upang masiguro na magiging maayos at accessible ang pagdalo ng publiko sa nasabing aktibidad. #
