Automated Election System na gagamitin sa May 12, safe sa hacking: Cybercrime Investigation and Coordinating Center

Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko na huwag magpaloko sa mga indibidwal na nag-aalok umano ng serbisyo upang baguhin o manipulahin ang resulta ng 2025 National and Local Elections kapalit ng halagang ₱50 milyon o higit pa.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, ang Automated Election System (AES) na gagamitin sa darating na May 12 Midterm Elections ay may napaka-komplikadong sistema at hindi basta-basta maha-hack, taliwas sa sinasabi ng mga nagpapanggap na eksperto.
Ang babala ay inilabas ng CICC makaraang maghain ng reklamo ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia noong February 28 laban kay Atty. Jeryll Harold Respicio na isang vice-mayoral aspirant sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Bunsod ito ng isang video na ipinost ni Respicio noong January 25, kung saan iginiit niya na kaya umano niyang manipulahin ang mga vote-counting machine at may mga backroom program na maaaring baguhin ang resulta ng botohan.

Mariin itong itinanggi ni Ramos at sinabing walang basehan ang mga paratang ni Respicio.
Hinihikayat rin niya ang publiko, lalo na ang mga kandidato, na agad i-report ang sinumang indibidwal o grupo na nag-aalok ng ganitong iligal na serbisyo sa pamamagitan ng pagtawag sa CICC Hotline 1326.