Arroyo, Bondoc, pinangunahan ang CL bloc sa pagsuporta kay Speaker Dy

Pormal nang nagpahayag ng buong suporta para kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang 24-member Central Luzon bloc ng House of Representatives.
Ito’y sa pamamagitan ng isang resolusyon na pinangunahan ng mga mambabatas mula Pampanga, partikular sina dating Pangulo at ngayo’y 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo at Central Luzon bloc president at 4th District Representative Anna York Bondoc-Sagum.
Inaprubahan ang resolusyon noong December 15, at nilagdaan ng mga kinatawan mula Pampanga, Bulacan, Bataan, Nueva Ecija, Tarlac, Aurora, at Zambales. Kabilang din sa mga pangunahing lumagda sina Deputy Speaker at Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun at House Appropriations Committee Chair at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing.
Sa naturang resolusyon, binigyang-diin ng Central Luzon bloc na humaharap ngayon ang Kamara sa mas mabibigat na hamong politikal, pang-ekonomiya, at panlipunan, kasabay ng masidhing pagsubaybay ng publiko. Dahil dito, itinuturing nilang mahalaga at kinakailangan ang pagkakaisa at matibay na pamumuno.
Iginiit ng mga mambabatas na si Dy ay nagpakita ng “desidido, inklusibo, at matatag na pamumuno,” na nagbigay-daan para magpatuloy ang epektibong operasyon ng Kamara.
Dagdag pa rito, nanawagan ang CL bloc sa mga kapwa kongresista na magkaisa, isantabi ang mga hidwaan, at magtulungan sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Dy upang mapangalagaan ang institusyon ng Kongreso at matupad ang mandato nito sa sambayanang Pilipino.
##
