Armed forces ng Pinas at US, sanib-pwersa sa pagpapalakas ng air defense system
Nagsagawa ng isang Integrated Air and Missile Defense (IAMD) training ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Armed Forces sa Naval Education, Training and Doctrine Command (NETDC) sa Zambales nitong Linggo, April 27, bilang bahagi ng Exercise Balikatan 40-2025.

Sa nasabing training, gumamit ng iba’t ibang air defense system ang mga kasapi ng AFP at U.S. kabilang ang Philippine Air Force Spyder Air Defense System at Ground-Based Air Defense Systems sa pagtukoy ng mga target.

Ipinamalas din ng Amerika ang ilang teknolohiya kontra sa Unmanned Aerial Systems (c-UAS), na idinisenyo upang mabilis na matukoy ang mga airspace intrusion at palakasin ang overall force protection yunit ng dalawang bansa.
Gumamit din sa aktibidad ng Marine Air Defense Integrated System (MADIS) na isang air defense system ng U.S. Marine Corps na kayang ma-detect, kilalanin, at pabagsakin ang iba’t ibang aerial threats, partikular na ang mga drone (UAS), helicopter, at iba pang low-flying aircraft.
Sa pamamagitan ng Exercise Balikatan 40-2025, patuloy na pinalalakas at pinaiigting ang kahandaan ng Pilipinas at Amerika para matiyak ang mabilis at magkakaugnay na tugon sa mga umuusbong na hamon sa seguridad sa rehiyon. #
