Application para sa local absentee voting, extended: Comelec
Pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang huling araw ng aplikasyon para sa Local Absentee Voting (LAV) sa darating na 2025 National and Local Elections sa May 12.
Batay sa Comelec Resolution No. 11120, inilipat sa March 17 ang naunang deadline na March 10 sa ilalim ng Resolution No. 11091. Ang pagpapalawig ay tugon sa kahilingan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, lalo na’t nalalapit na ang paggunita ng Mahal na Araw mula April 17 hanggang April 20.Â

Inatasan ng Comelec ang mga aplikante na isumite ang orihinal na LAV Form No. 01 at LAV Form No. 02 bago sumapit ang bagong deadline.
Samantala, itinakda naman sa April 11, 2025 ang deadline ng pag-verify sa mga aplikante na kuwalipikado sa LAV, mula sa dating April 8.Ang pagpapasa naman ng listahan ng mga kwalipikadong LAV voters mula sa Committee on LAV ay itinakda sa April 27, mula sa orihinal na April 21.
Ang Local Absentee Voting (LAV) ay isang sistema ng pagboto na nagbibigay ng pagkakataon sa mga kuwalipikadong indibidwal na maagang makaboto bago ang itinakdang araw ng halalan.
Sakop nito ang mga empleyado ng gobyerno, kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), gayundin ang mga miyembro ng media na may tungkuling kailangang gampanan sa araw mismo ng eleksyon.
Sa ilalim ng LAV, tanging mga kandidato sa pagkasenador at party-list organizations ang maaaring iboto. Ang pagboto ay itinakda mula April 28 hanggang April 30, 2025. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang official website ng Comelec. #