Apat na drug suspects, arestado sa Angeles City
Apat na katao ang naaresto ng Angeles City Police matapos ang kanilang sunod-sunod na anti-illegal drug operation nitong Martes, November 12.
Alas-singko nang hapon nang isagawa ang unang operasyon sa Brgy. Cutcut kung saan nahuli ang 45 years old na si alyas “Alexis”, taga-Brgy. Balibago, na nasa drug watchlist. Nakumpiska sa kanya ang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa tatlong gramo at may street value na ₱20,400 kasama ang 1,000-peso bill marked money.
Isang buy-bust operation naman ang nangyari sa tabi ng Don Pepe Henson Memorial School sa Brgy. Sta. Trinidad, Angeles City ganap na alas-sais ng gabi. Naaresto rito ang 44 years old choreographer na pinangalanang “Freda” at 50 years old construction worker na si alyas “Mhoik” matapos magbenta ng pinagsususpetsahang shabu sa isang poseur buyer. Tinatayang nagkakahalaga ng ₱10,200 ang 1.5 grams na shabu.
Sa tricycle terminal na nasa Garcia St., Brgy. Balibago naman isinagawa ang anti-drug ops na nagresulta sa pagkakahuli ni alyas “Rosby”, 45 years old, matapos nitong pagbentahan ng suspected shabu ang isang police poseur buyer. Nakumpiska sa kanya ang tatlong gramo nito na nasa ₱20,400 ang halaga at ₱500 bill marked money.