Anti-illegal subdivision law, planong isulong sa Magalang
Balak ng Sangguniang Bayan ng Magalang, Pampanga na balangkasin ang isang ordinansa laban sa mga ilegal na subdivision sa bayan bilang tugon sa dumaraming reklamo at isyu kaugnay ng mga hindi otorisadong land development.
Ayon kay Municipal Councilor and Committee Chair on Laws Atty. Koko Gonzales, layon ng panukala na protektahan hindi lamang ang mga lehitimong stakeholders kundi lalo na ang mga mamimiling nalilinlang ng mga nagpapakilalang developer.
Dagdag pa ni Gonzales, hihilingin din niya kay Mayor Malu Paras-Lacson ang agarang intervention ng lokal na pamahalaan upang hindi na i-renew ang business permit at business license ng mga developer na mapatutunayang sangkot sa ilegal na subdivision sa Magalang.
Nilinaw rin ng konsehal na sa isinagawang public hearing ay naging malinaw sa mga developer ang umiiral na moratorium ng Department of Agriculture na nagbabawal sa reclassification ng mga agricultural land, dahilan upang hindi ito maaaring gawing residential o subdivision project.
Giit ni Gonzales, mahalagang maipatupad ang malinaw at mahigpit na polisiya upang maprotektahan ang publiko at maiwasan ang pagdami pa ng mga ilegal na proyekto sa hinaharap. #
