Animal Vaccine Program sa Central Luzon State Univ., inilunsad bilang tugon sa banta ng sakit sa hayop
By Acel Fernando, CLTV36 News
Bilang tugon sa lumalalang banta ng mga sakit sa hayop, inilunsad ang Animal Vaccine Development Program sa Central Luzon State University (CLSU) sa pangunguna ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel.

Pinasinayaan ito nitong Martes, April 8, kasabay ng paggunita sa 118th founding anniversary ng CLSU.
Binigyang-diin ni Laurel ang kahalagahan ng programang ito sa pagbibigay proteksyon sa mga alagang hayop, pati na rin sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Layunin din ng programa na mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga hayop at masigurong ligtas, sapat, at tuloy-tuloy ang produksyon ng livestock sa bansa.
Nagbigay rin ng suporta si CLSU President Dr. Evaristo A. Abella at tiniyak ang dedikasyon ng unibersidad sa pananaliksik at inobasyon para sa animal welfare.

“In response to these pressing needs, we at CLSU, in partnership with our key stakeholders, affirm our commitment to advancing research and innovation in Veterinary Science through the establishment of a Vaccine Development Facility,” ani Abella.
Ipinaliwanag naman ni DA Livestock Undersecretary Dr. Constante Palabrica na nakuha niya ang ideya ng programa matapos masaksihan ang vaccine production para sa mga hayop sa bansang Vietnam, Malaysia, at Thailand. Naniniwala siyang kayang rin itong gawin ng mga Filipino scientist para hindi na umasa ang bansa sa imported na bakuna.
Katuwang sa nasabing programa ang DA-Bureau of Animal Industry (BAI), Livestock Biotechnology Center, at Philippine Carabao Center (PCC). #