Amanu at kulturang Kapampangan, isinusulong sa youth hub sa Mabalacat City
Pagkatuto ng kabataan hindi lang sa Amanung Sisuan ngunit pagpapalalim din sa kanilang pagkakakilanlan bilang Kapampangan.
Ito ang layunin ng Ukitán: A Kapampangan Cultural and Learning Hub na binuksan sa Brgy. Duquit, Mabalacat City nitong Sabado, March 21.

Magsisilbi ang pasilidad bilang study area at heritage space kung saan maaaring matuto ang kabataan ng Kapampangan language at culture mula sa mga available na reading materials at digital resources. May research support at printing services din sa naturang hub.
Ayon kay SK Chairman Jerico “Jec” Lozano, higit sa isang program, lugar ang Ukitán para sa preserbasyon at pagsulong ng Amanung Kapampangan.
“Since ang dami-dami ng youth hubs sa Pampanga and even in [the] Philippines, we innovated ours… Something that will give back to the culture,” dagdag niya.

Ang naturang inisyatiba ay pinangungunahan ng Sangguniang Kabataan ng Brgy. Duquit katuwang ang kanilang partners at mga cultural advocate, kabilang na ang Center for Kapampangan Studies ng Holy Angel University.

###
