Alice Guo, ililipat na sa Correctional Institution for Women

Kumpleto na ang medical at laboratory examinations ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa loob ng Pasig City Jail, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Bahagi ito ng standard procedure bago siya ilipat sa kustodiya ng Bureau of Corrections (BuCor).
Kaugnay nito, maililipat na si Guo sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong, kung saan siya mananatili matapos tanggihan ng Pasig Regional Trial Court ang hiling niyang manatili sa Pasig City Jail.
Matatandaang nahatulang guilty si Guo sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng ilegal na operasyon ng POGO sa Baofu compound sa Bamban, Tarlac.
Bukod sa reclusion perpetu o habambuhay na pagkakakulong, pinatawan siya ng multimillion peso fines at ipinabawi ng pamahalaan ang POGO-linked property.
Nabasura naman ang kanyang pagkaalkalde ngayong taon matapos ideklarang “undoubtedly Chinese”, dahilan upang mawalan siya ng karapatang humawak ng posisyon.
Samantala, sinabi ng BuCor na mananatili muna si Guo sa Reception and Diagnostic Center (RDC) ng CIW nang hanggang 60 days bago siya ilipat sa Maximum Security Compound. #
