Alice Guo, haharap sa dagdag na 62 counts ng money laundering: DOJ
By Acel Fernando, CLTV36 News
Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng 62 counts of money laundering laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at 30 iba pa kaugnay ng mga umano’y ilegal na aktibidad sa isang POGO hub sa naturang bayan.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, kabilang sa mga isinampang kaso ang 26 counts na paglabag sa Section 4(a) ng Anti-Money Laundering Act (RA 9160), limang counts sa Section 4(b) ng RA 10365, at 31 counts ng paglabag sa Section 4(c) ng parehong batas.
Batay sa imbestigasyon, ginamit umano ang mga kumpanyang QJJ Farm Inc., QSeed Genetics Inc., Baofu Land Development Inc., at Hongsheng Gaming Technology Inc. — na ngayon ay Zun Yuan Technology Inc. — sa pagbili at pag-convert ng mga lupa sa Bamban para gawing commercial properties na posibleng ginamit bilang front sa human trafficking at money laundering.
Binanggit din ng mga piskal na patuloy ang koneksyon ni Guo sa Baofu Land Development Inc. kahit iginiit niyang kumalas na siya sa kumpanya noong alkalde pa siya.
Hindi pa tinukoy ng DOJ kung kailan pormal na isasampa ang mga kaso sa korte.
Kasalukuyang nakakulong si Guo sa PNP Custodial Center sa Camp Crame dahil sa hiwalay na kasong human trafficking.
Matatandaang kinasuhan na rin si Guo at 35 pang indibidwal ng 87 counts ng money laundering noong August 2024 kaugnay ng pagkakasangkot sa POGO hubs.