Alex Eala, sasabak sa 2025 SEA Games sa Thailand

Mas positibo ang pananaw ni Pinay tennis star Alex Eala para sa nalalapit na Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa Thailand sa Disyembre, kasunod ng pagtatapos ng kanyang breakout season.
Bagama’t bigo sa 2nd round ng Hong Kong Open, sinabi niyang handa siya ngayong tumutok sa kampanya ng Pilipinas sa naturang regional meet.
Muling sasabak si Eala sa SEA Games matapos ang huling paglahok noong 2022 sa Vietnam, kung saan nakapag-uwi siya ng tatlong bronze medals mula sa singles, mixed doubles, at team events. Target niya ngayong lampasan ang nakaraang performance at makasungkit ng mas mataas pang puwesto.
Ikinatuwa rin ni Eala ang mainit na suporta mula sa Pinoy community abroad, na aniya ay nagbigay sa kanya ng lakas ng loob sa mga torneo.
Kasabay nito, ipinahayag din niya ang kanyang excitement sa posibilidad ng pagdaraos ng WTA 125 tournament sa bansa, na isang hakbang na itinutulak ngayon ng Philippine Sports Commission at iba pang stakeholders.
Aniya, masaya siya para dito dahil may kongkretong plano na para maisakatuparan ang pano na maituturing umanong milestone para sa local tennis scene sa bansa.
Sa pagtatapos ng isang matagumpay na taon sa world tour, determinado ang 20-anyos na atleta na ipagpatuloy ang momentum — at itaas ang bandera ng Pilipinas sa Thailand. #
