Alex Eala, rank World No. 61 na matapos masungkit ang unang WTA title

Umakyat na sa World No. 61 si Pinay tennis star Alex Eala sa pinakabagong Women’s Tennis Association o WTA rankings matapos ang makasaysayang panalo sa Guadalajara Open sa México.
Sa naturang torneo, tinalo ng 20-anyos na si Eala si Panna Udvardy ng Hungary sa scores na 1-6, 7-5, 6-3, dahilan para makuha niya ang kauna-unahang WTA title at umangat ang kanyang ranking mula sa dating 75th spot.
Ito na ang ikalawang pinakamataas na ranggo ni Eala sa kanyang karera, matapos maabot ang World No. 56 noong nakaraang taon.

Sa kabila ng pagiging bata, patuloy na umaalagwa si Eala bilang isa sa mga pinakaaabangan sa women’s tennis.
Kasunod ng kanyang pag-angat, agad na haharapin ni Eala ang panibagong hamon sa Sao Paulo Open sa Brazil, kung saan makatatapat niya sa first round ang French qualifier na si Yasmine Mansouri, na nasa rank No. 380.
Nang dahil sa kanyang bagong ranggo, kabilang na si Eala sa mga itinuturing na favorites sa torneo.
Lalo pang tumitibay ang kumpiyansa niya matapos ang limang sunod na panalo sa Guadalajara, at target niyang maipagpatuloy ang winning streak para makapasok muli sa World Top 50 ng laro. #
