Alex Eala, pinabagsak si World Rank 14 Clara Tauson sa opening round ng 2025 US Open

Muling pinatunayan ng Pinay tennis star na si Alex Eala ang kanyang tapang at husay matapos magtala ng makasaysayang panalo sa opening round ng 2025 US Open sa New York.
Tinalo ng 19-anyos na si Eala ang World No. 14 Clara Tauson ng Denmark sa isang matinding bakbakan na nagtapos sa score na 6-3, 2-6, 7-6 (13-11). Sa panalong ito, siya ang kauna-unahang Pilipino na nakapagtala ng tagumpay sa Grand Slam singles.
Hindi naging madali ang laban para sa kasalukuyang World No. 75, lalo’t nalagay siya sa bingit ng pagkatalo nang lumamang ng apat na puntos si Tauson sa deciding set.

Ngunit sa kabila nito, ipinakita ni Eala ang kanyang matinding determinasyon at nagawang makabalik bago tuluyang sinelyuhan ang tagumpay.
Dagdag pa rito, malaking bahagi ng kanyang panalo ang suporta ng libo-libong Filipino fans sa Grandstand Court, na nagsilbing inspirasyon sa pambato ng bansa sa mga kritikal na sandali.
Sa panayam matapos ang laban, inamin ni Eala na ito ang isa sa mga pinakamahirap ngunit pinakamasarap na panalong nakuha niya, lalo’t dati’y palaging first-round exit lamang ang kanyang inaabot sa Grand Slam.
Matapos ang kasaysayang ito, mas determinado ngayon si Eala na ipagpatuloy ang laban at makapagtala pa ng mas maraming panalo sa US Open. #
