Alex Eala, maagang nagpasiklab sa 2026 ASB Classic

Magandang panimula sa 2026 season ang ipinamalas ni Pinay tennis star Alex Eala matapos siyang umabante sa Women’s Doubles quarterfinals ng WTA 250 ASB Classic sa Auckland, New Zealand, kasama ang American player na si Iva Jovic.
Pinatunayan ng batang tambalan na hindi hadlang ang karanasan nang patumbahin nila ang beteranong pares nina Venus Williams at Elina Svitolina sa iskor na 7-6, 6-1 sa loob ng mahigit isang oras.
Sa unang set, muntik nang maagaw ng mas kilalang duo ang panalo, ngunit nagpakita ng tibay ng loob sina Eala at Jovic na inangkin ang set point at naitulak ang laro sa tie-break.
Doon tuluyang bumaligtad ang momentum pabor sa Filipino-American pair, na agad namang nagpakawala ng dominanteng laro sa second set at kumaripas sa 4-0 lead.
Target ngayon nina Eala at Jovic ang semifinals, kung saan haharapin nila ang mananalo sa pagitan ng top seeds na Asia Muhammad at Erin Routliffe, o ng pares nina Jessica Maleckova at Renata Zarazua.
Samantala, sa singles, naghahanda na rin si Eala sa mas mabigat na hamon laban sa World No. 69 na si Donna Vekic ng Croatia sa Round of 32. #
