Agarang paglilibing ng Muslim cadavers alinsunod sa Islam rites, inaprubahan ni PBBM
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Republic Act No. 12160 na nag-aatas ng agarang paglilibing ng mga yumaong Muslim alinsunod sa kanilang relihiyosong paniniwala, kahit wala pang death certificate.
Layon ng batas na igalang ang tradisyon at karapatan ng mga Filipino Muslim na ilibing ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay ayon sa kaugaliang Islam, partikular ang paglilibing bago ang panalangin.
Ayon sa bagong batas, kailangang i-report ng taong nagsagawa ng burial rites o ng mga kaanak ng pumanaw ang pagkamatay sa local health officer sa loob ng 14 na araw mula nang mailibing ang yumao.
Kung walang Health Officer, ang Office of the Mayor ang mangangasiwa sa pagsasaayos ng death certificate. Kung kinakailangan ng forensic interest sa bangkay, dapat muna itong ipagbigay-alam sa pamilya bago isagawa ang anumang pagsusuri.
Itinakda rin ng RA 12160 na dapat mailabas ang bangkay ng Muslim sa loob ng 24 oras mula sa ospital, morgue, funeral parlor, kulungan, o alinmang institusyong may kustodiya nito. Dapat itong balutan ng puting tela at ilagay sa airtight at leak-proof na lalagyan.
Hindi maaaring gamitin ang non-payment ng anumang hospital o iba pang gastusin bilang dahilan upang pigilan ang pagpapalabas o pagpapalibing ng bangkay. Maaari namang magpasa ng promissory note o kasunduang bayaran ang mga obligasyon sa ibang petsa.
May parusang hanggang anim na buwang pagkakakulong o multang ₱100,000 para sa sinumang magtatangkang hadlangan ang pagpapalibing dahil sa hindi pa bayad na gastusin. Sa kaso ng mga korporasyon o ahensya, ang parusa ay ipapataw sa mga opisyal nito.
Inatasan ang Department of Health (DOH) at ang National Commission for Muslim Filipinos (NCMF) na bumuo ng mga panuntunan para sa maayos na pagpapatupad ng nasabing batas. #