fbpx
Guests Blog

Grupo ng kababaihang manggagawa tinawag na pusong bato si PBBM | Press Release

“Pusong bato.” Ganyan inilarawan ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) si President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. dahil sa patuloy na pagbibingi-bingihan sa panawagan ng mga manggagawa para sa taas-sahod sa gitna ng patuloy na pagdausdos ng kalagayan ng mga manggagawang Pilipino.

Nananawagan ang grupo na gawing P1,100 ang minimum na sahod sa buong bansa na ayon sa kanila ay makakatulong nang malaki para makaagapay, kahit paano, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. ‘Tila walang plano ang pangulo na tuparin ang pangako nito noong nakaraang eleksyon na magkakaroon ng signipikanteng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa,’ ayon kay Jacq Ruiz, tagapagsalita ng KMK.

“Hindi naramdaman ng mga manggagawa ang umento sa sahod noong nakaraang taon dahil binawi ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagkain at utilidad. Nitong nakaraang mga araw ay naaprubahan na rin ang pagtaas ng pamasahe sa LRT at MRT. Sa kakarampot na sinasahod ng mga manggagawa, ano pa ang maiuuwi nila sa kanilang mga pamilya?” dagdag pa ni Ruiz.

Iginiit ng grupo na hindi na nagkakasya ang kasalukuyang P570 na minimum wage sa National Capital Region (NCR) at maging ang mga minimum wage sa mga rehiyon. “Dapat lamang na gawing prayoridad ni PBBM ang hiling ng mga manggagawa para sa taas sahod. Gayundin, dapat buwagin na ang regional wage board at muling itakda ang national minimum wage na magpapantay sa sahod ng mga manggagawa sa mga siyudad at probinsya,” aniya.

Dagdag ni Ruiz, napakamanhid ni PBBM sa sitwasyon ng mga manggagawa. “Sa pagbisita ni Bongbong sa Japan, panay ang buladas nito na kinakalinga niya ang mga manggagawa at OFWs pero sa kabaliktaran ay wala naman siyang ginagawa para tugunan ang kumakalam na sikmura ng kanilang pamilya dito sa Pilipinas,” dagdag pa niya.

Itinaon ng grupo ang panawagan sa paggunita ng Valentine’s Day para kalampagin ang matigas na puso ng Pangulo at maging bukas ang pangulo sa damdamin at hinaing ng mga manggagawa.

Lumahok din ang grupo sa kilos protesta sa tapat ng Department of Agriculture (DA) kasama ang iba pang grupo upang ipanawagan ang pagbasura sa Rice Liberalization Law na nagresulta sa lalong pagbagsak sa lokal na produksyon ng bigas sa bansa at nagpataas ng presyo ng produktong agrikultural.

PRESS RELEASE: Jacq Ruiz, Kilusan ng Manggagawang Kababaihan Spokesperson

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

How would you rate your satisfaction with our website?*

Do you have any comments, questions, and concerns?