Medical allowance ng mga guro, target itaas sa ₱10K
Sa kasalukuyan, pitong libong piso ang taunang medical allowance na natatanggap ng mga kawani ng gobyerno na pangunahing nakalaan para sa kanilang HMO benefits.
Alinsunod ito sa Executive Order No. 64 o ang kautusan sa dagdag-sahod at benepisyo ng mga government employee.
Pero ngayon, nais itong itaas sa sampung libong piso kada fiscal year para sa mga public school teacher at non-teaching personnel.
Ito ang laman ng House Bill 11783 o ang “Enhanced Public Teachers’ Healthcare Benefits Act” na inihain ni Pampanga 1st District Representative Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr..
Ayon sa opisyal, ang mga guro at non-teaching personnel ang haligi ng sistema ng edukasyon. Responsibilidad aniya ng estado na protektahan at tiyakin ang kanilang kalusugan at kapakanan.
Kaya naman bukod sa dagdag na allowance, nakasaad din sa bill ang libreng annual physical examination at mental health screening tuwing Oktubre. Kasama rito ang konsultasyon sa doktor at psychologist, pati ang mga laboratory at referral services.
Pero bago ito mapakinabangan, kailangang dumaan sa committee level sa Kongreso ang panukala upang pag-aralan ang pagpapatupad at ang kakailanganing pondo para rito.
Kung maaaprubahan at maisasabatas, inaasahang makatutulong ito para mabawasan ang gastusing medikal ng mga kwalipikadong kawani ng Department of Education sa buong bansa. #
