Mas malaking price rollback sa LPG, posible sa Disyembre; Petron, nagbawas-presyo na
Posibleng mas lumaki pa ang ibababa ng presyo ng liquefied petroleum gas o LPG sa mga susunod na linggo, kasunod ng pagluwag ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Regasco President Arnel Ty, bumagsak nang $90 US per metric ton ang contract price ng LPG sa international market, batay sa presyo ng Saudi Aramco.
Dahil dito, pinag-uusapan ang posibilidad ng advance price rollback ngayong Nobyembre sa gitna ng nakatakdang pag-uusap ng LPG industry players at Department of Energy (DOE).
Kung magpapatuloy naman ang pagbaba ng international prices hanggang sa katapusan ng buwan, posibleng umabot sa ₱5 hanggang ₱6 kada kilo ang bawas-presyo sa LPG sa Disyembre.
Samantala, epektibo na ngayong Huwebes, November 12, ang ₱44 na price rollback sa kada 11-kilogram cylinder ng lahat ng uri at variant ng Petron Gasul at Fiesta Gas household LPG. Kasama na sa naturang bawas-presyo ang value-added tax o VAT. #
